Ai-Ai delas Alas Confirms Breakup With Husband Gerald Sibayan
Through an emotional interview with Boy Abunda on Fast Talk With Boy Abunda show, Ai-Ai delas Alas confirmed the rumor that circulated over the weekend regarding her breakup with husband Gerald Sibayan. A breakup through text message, no less. In the text message, Gerald stated that he wasn’t happy anymore and that he wants to have children.
Hindi malilimutan ni Ai-Ai delas Alas ang petsang Oktubre 14, 2024.
Ito ang araw na nakatanggap siya ng text message mula sa asawa niyang si Gerald Sibayan na nakikipaghiwalay sa kanya.
Katuwiran umano ni Gerald, gusto niyang magkaroon ng anak at hindi na siya masaya.
Madaling-araw sa Pilipinas, 2 A.M., nang matanggap ni Ai-Ai ang mensahe mula kay Gerald na nasa Amerika. Hindi makapaniwala si Ai-Ai sa nabasa niya ngunit napagtanto niya kinalaunan na seryoso si Gerald.
AI-AI DELAS ALAS ON BREAKUP WITH GERALD SIBAYAN
Ngayong Lunes, Nobyembre 11, ang ika-60 kaarawan ni Ai-Ai.
Kinumpirma ng Comedy Queen sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk With Boy Abunda ngayon ding araw na hiniwalayan siya ni Gerald sa pamamagitan lamang ng text message. Mula noon, hindi na sila nagkita o nagkausap nang personal.
Nang bumalik si Ai-Ai sa tahanan nila sa Amerika ni Gerald noong Oktubre 27, wala na rin ang kanyang estranged husband, na karelasyon niya sa loob ng sampung taon. Ikinasal sina Ai-Ai at Gerald noong 2017 pagkatapos ng tatlong taong relasyon bilang magkasintahan.
“Oo, hiwalay na kami. Sinabi niya na gusto niya magkaanak, hindi na siya happy,” pagbabahagi ni Ai-Ai kay Boy.
“Medyo confused ako, shocked. “‘Bakit ngayong oras na ito? Sana hinintay mo muna akong makauwi sa Amerika.’ Maraming bakit.”
Pagpapatuloy ni Ai-Ai, “In fairness, wala naman talaga kaming pinag-aawayan.
“Actually, sa buong [panahon] ng pagsasama namin, bilang sa daliri yung… discussion nga, e, hindi away. So, parang nagulat ako.
“Why ngayon? Anong meron sa October? Anong meron sa araw na ito? Bakit madaling-araw dito [sa Pilipinas]?
“Sumasagot ako sa chat niya, pero nag-sink sa akin nung umaga na. “Siyempre, initial reaction ng asawa, nagalit muna ako. Sini-sink ko muna, ano ba itong nangyari?”
AI-AI ON BIG AGE GAP WITH GERALD
Nang makipagrelasyon si Ai-Ai kay Gerald noong 2014, alam daw niya ang sitwasyong kanyang pinasok.
Hindi siya apektado sa sinasabi ng mga taong hindi magtatagal ang kanilang pagsasama dahil tatlong dekada agwat ng mga edad nila — si Ai ay 60 na ngayon at si Gerald naman ay 30.
Para kay Ai-Ai, tulad ng marami, sumugal siya sa pag-ibig at pinaniniwalaan niyang totoong may panghabambuhay na relasyon.
Saad niya, “Actually, nung nagpakasal ako kay Gerald, nire-ready ko naman ang sarili ko sa ganitong magiging sitwasyon.
“Kasi alam ko na bata pa si Gerald. Baka magbago yung isip. “Pero alam mo yung, ‘Sana huwag. Sana totoong may forever. Sana binigyan talaga ako ni Lord ng pagkakataon na magkaroon ng maganda, matagal na pag-aasawa.’
“So, nagulat ako na ‘Ah ngayon na pala yon.’ “Akala ko, kapag 35 years old na siya [makikipaghiwalay sa akin]. Ito na pala yon.”
Ayon kay Ai-Ai, hindi na siya nakipag-usap kay Gerald pagkatapos ng kanilang palitan ng mensahe sa text bilang respeto raw sa sarili niya.
“Hindi na ako nakipag-usap kasi yung messages namin, parang wala nang pag-uusapan pa. Nasabi na niya na ‘Ito na yung firm decision ko.’” (SOURCE: PEP)